Biyernes, Oktubre 10, 2014

Ang Tradisyunal at Makabagong Paraan ng Pagtuturo



Sa buhay ng isang mag-aaral at para na rin sa isang guro, importante na may partikular na estilo ang pamamaraan ng pagtuturo o ang pagkatuto.  Hinihingi ng mabisa at mabilis na pagkatuto ang pag-gamit ng mabubuting pamamaraan ng pagtuturo. Nakasalalay sa mabuting paraan ng pagtuturo ang matagumpay, kawili-wili at mabisang pagkatuto ng mag-aaral. Gayunpaman, nasa guro pa rin ang pagpapasya sa pamamaraang kanyang gagamitin na alam niyang magiging  angkop sa bunga ng pagkatuto na nais niyang makamtan ng kanyang mga mag-aaral, angkop sa sitwasyon, angkop sa kakayahan ng mag-aaral at gayon din sa uri ng paksang-aralin at asignaturang kanyang itinuturo. Maraming pagbabago ang nangyayari sa larangan ng edukasyon maging ang mga pamamaraan at estratehiya ng pagtuturo na nagsisilbing malaking hamon na kinakaharap ng mga guro sa kasalukuyang panahon ng teknolohiya at agham.
Maaari nating sabihin na napakalaki ng epekto sa kalidad ng edukasyon ang paraan ng pagtuturo ng mga guro sa isang paaralan. Madami mang ibang salik ang maaring maging hadlang para sa matagumpay na pagkatuto ng bata ay lubos pa ring mas nakakaapekto ang paraan kung paano nailahad o ilalahad ng kanyang guro ang mga leksyon sa kanya ayon sa napiling estilo nito. Dahil na din sa pag-usbong ng mga makabagong gamit at kasabay na patuloy na pag-unlad ng teknolohiya ay nagkaroon tayo ng dalawang paraan ng pagtuturo- ito ay ang tradisyunal at ang makabagong paraan ng pagtuturo.
Ang tradisyunal na paraan ng pagtuturo ay ang ating nakagisnan at nakalakihan. Ayon kay Novak (1998), ang tradisyunal na pamamaraan ng pagtuturo ay nakapokus sa guro bilang isang taga-kontrol sa kapaligiran ng mga mag-aaral. Nasa guro ang responsibilidad at sa kanya ang mga paraan at estratehiyang gagamitin sa pagtuturo sa kanyang mga eestudyante. Sa ganitong sitwasyon, mas malaki ang posibilidad na maipakita at mahasa ang mga natatagong angking galling o talent ng mga estudyante sapagkat nasu-subaybayan sila ng tama ng kanilang guro.May ilan na nagsasabi na ang paraan ng pagtuturong ito ay isang “spoon feeding of knowledge”. Nakapaloob dito ang paggamit ng mga iba’t ibang makakapal o maninipis  na libro bilang batayan para sa pag-aaral at maging sa  pagtuturo. Mga samu’t saring libro na pinagkukunan ng mga impormasyon ng mga guro para maibahagi sa kanyang mga estudyante. Kasama rito ang mano- manong pagsusulat sa pisara ng mga guro ng kanilang tatalakayin. Ang paggamit ng mga makukulay at malilikhaing visual aids ang kanilang sandata. Dito nagaganap ang normal na ayos sa isang silid aralan, kung saan ang guro ang nagsasalita sa unahan at ang mga estudyante ang nakikinig sa kani-kanyang mga upuan.    
Gamit ang tradisyunal na paraan ng pagtuturo ay natuturuan ng guro ang kanyang mga estudyantehinid lamang sa larangan ng akademiko ay gayun na din sa tamang pag-uugali. Sapagkat hindi lamang akademiko ang target na dapat makuha ng mga estudyante kundi nakapokus din ito sa tamang pag-uugali ng mga mag-aaral. Dahil dito mas napapalawak ang komunikataibong kakayahan ng mga mag-aaral.  Gayunpaman, maaring sa paraang ito ng pagtuturo ay nasusubaybayan ng guro ang kanyang mga estudyante ngunit may problema ring kakalakip ang tradisyunal na paraan ng pagtuturo, sapagkat may pagkakataon na hindi na napapalawak ng guro ang kanyang mga talakayan dahil nakabase lamang ito sa nakalimbag na libro. Kung minsan ay nagkakaroon din ng magbabahagi ng maling impormasyon dahil hindi ganun ka-ayos at wasto ang teksbuk na basehan sa pagtuturo ng isang guro.
Ang makabagong paraan ng pagtuturo o ang alternatibong pagtuturo ay ang mga paraan ng pagtuturong makabago sa ating nakasanayan na umuusbong sa ating panahon ngayon. Ito ay nag-uugat sa iba’t ibang pilosopiya na nagtataglay ng pangunahing kaisipan na iabng iba sa tradisyunal na paraan. Kadalasa’y nagkakaroon ng mga kaisipang politikal, pilosopikal, at akademikong kasanayan ang mga mag-aaral.  
Ang paraan ng pagtuturong ito ay nakapokus sa kung papaano tutuklasin ng mag-aaral ang kanyang kakayahan o angking galing na nakasubaybay lamang ang kanyang guro sa kanya. Sa panahon ngayon ay mayroon ng isang malaking pagbabago ang nagaganap sa dimensyon ng pagtuturo. Dahi na din sa nasa makabagong panahon na tayo,, naniniwala ang mga eksperto na ang mga mag-aaral sa panahon ngayon ay hindi na mababansagan na na mabagal o mahina sa pagkatuto. Ayon kay Kornhaber (2004), naiisakatuparan ng Multiple Intelligence ni Dr. Howard Garnier  sa paraan ng pagtuturo sa mga mag-aaral na magpahalaga at magtamo ng kaparaanan para s apagpapahayag ng kanilang mga saloobin, kuro-kuro at damdamin ganun na din sa mga ideyang mayroon sila base sa kanilang mga nalalaman na naitulong ng teknolohiya.
Lipas na ang panahon ng pagtuturo ng nakabatay sa mga teksbuk lamang. Ngayon ang simula ng pagtuturo ng mga guro ng ayon sa kaalaman nila na angkop sa makabagong panahong kanilang ginagalawan. Mula kay Vygotsky (1987), ang mga mag-aaral na handang  humarap sa hamon ng edukasyon ay lumalaking nagagamit ang kayang mga natutunan at nakakadagdag ito sa atas ng pagpapahalaga niya sa sarili kung sya mismo ang tutuklas ng paraang ito para sa sarili niya.
Dahil na din sa pag-unlad ng teknolohiya sa panahon natin ay naiimbento na ang iba’t ibang mga gamit na makakatulong na maging basehan sa mas magandang kalidad ng edukasyon hindi lang para sa bansa gayon na rin para sa buong mundo. Mayroon na tayong mga personal computers, laptop, tablet iba’t ibang klase ng mga cellular phones, projector, at madami pang iba na tunay na nakakatulong sa pag-aaral ng mga mag-aaral.Hindi na uso ang pagsusulat sa pisara o paggamit ng makukulay at may samu’t saring pakulo sa mga visual aids, dahil nandyan na ang projector at ang laptop na maaring gamitin upang magpakita ng presentasyon o mga video para mas maunawaan at maintindihan ng mga estudyante ang mga leksyon nila. Hindi na din kailangan magkaroon ng napakadaming libro ng mga guro bilang basehan sa kanilang pagtuturo dahil sa tulong lamang ng mga computer at ng internet connection madali na silang makakapag saliksik sa internet ukol sa leksyon nila.
Kahit wala na sa tipikal na isang silid aralan ay maari pa rin na magkaroon ng interaksyon sa pagitan ng mga guro at estudyante dahil maaari pa din naman makakuha ng impormasyon ang mga estudyante sa tulong lamang ng internet connection. Maaaring balikan ng mga estudyante ang mga leksyon nilang hindi nila lubos maintindihan. Maaari din sialng makapagbahagi sa iba ng mga natutunan nila mula sa kanilang mga guro sa tulong ng mga social networking sites. Sa parte naman ng mga guro, upang hindi maging boring ang isang talakayan maaari siyang gumamit ng iba’t ibang pakulo sa mga social networking sites para magkaroon ng isang msayang pagpapalitan ng mga ideya sa pagitan niya at ng mga mag-aaral.  
Napapaloob sa makabagong siyensa ang mga kaalaman at karanasang di-maibibigay ng tradisyunal na pagtuturo. Kung tutuusin ay mas makakalamang ang makabagong paraan ng pagtuturo sapagkat ang nilalaman nito ay makatotohanan at mas kaugnay sa realidad na nangyayari sa buhay. Sabi nga mula sa isang pag-aaral, ang paraan ng pagtuturo ay parang isang libro, ang tradisyunal na pagtuturo ang unang rebisyon atang makabagong paraan naman ay ang pinakabagong rebisyon sa proseso ng pagkatuto ng mag-aaral.
Bilang pangkalahatan, anumang paraan ang ginagamit ng mga guro, ang mahalaga ay ang istilo ng pagkatuto ng mag-aaral na siyang tumutukoy sa kaparaanan nila ay mas higit sa gusto ng mga mag-aaral para sa kanilang pag-aaral. Dahil sila ang nagkaroon ng pagkatuto sa anumang mabisang estratehiya na ginagamit ng guro. Badayos (2008)